Martes, Marso 11, 2014

Heto ako. Hindi isang tanong, hindi isang sagot...

Don't lose the muse. Hindi ko alam kung magugustuhan ninyo. Ang gusto ko lang magpahayag.

Heto ako. Hindi isang tanong, hindi isang sagot. Aaaaksyon!!! (Smile)

Katatapos ko lang manood ng pelikula at ang mga mata ko ay tila pagod na at kailangan ng mamahinga sumandali. Oras na para kumain ng hapunan pero ang nagugutom sa akin ay ang aking isip. Napapaisip. Nagtatanong. Nasiyahan ako sa aking napanood. Nalibang. Naaliw. Namangha. Pero ganun lang ba yun? Pagkatapos ng ilang oras, napangiti pero napapatanong. Naghahanap ng sagot. Tila  ako'y gutom at uhaw sa mga sagot na  hindi ko alam kung nakukuha ko sa araw araw.  Marahil ay mayroon naman kahit paano. Pero sapat na ba ito para maging masaya? Teka, bakit kailangang maging masaya? Sino nga ba ang gustong maging malungkot? Lahat yata ngayon, gusto laging nasa gimikan. Nasa pasyalan. Kumakain sa labas. Nanonood ng sine. Nagsho-shopping tuwing sahod. Window shopping kapag hindi sahod. Hahaha.  Inuman dito. Inuman doon. Suka dito. Suka doon.  Eeeeewww. Mukhang ako ito  ah.  Hehe. Hindi lang sanay uminom. Nakikisama lang at kinakaya kahit nagiging mukhang lechon sa kulay pulang kutis kapag nakaka-inom ng alak. Tsk. Nagiging  Hellboy.

Ilang taon na akong nabubuhay sa mundo. Bata pa naman. Dalawampu't pito. Tsk. Ano ng mga nagawa ko? Successful na ba? Ilang beses na ba akong humagalpak sa tuwa at sumakit ang tiyan sa kakatawa? Ilang beses na ba akong nalungkot at naiyak? Nasaan na ba ako ngayon? Kuntento na ba? Lalagay na ba sa tahimik? Daming tanong. Langya. (Inis sa sarili)

Heto ako. Tulala sa  isang tabi at hindi mapakali. Ating nakaraan minumuni muni. Teka kanta to ah. Haha. Seryoso.

Heto ako nagsusulat. Nakaharap sa kompyuter. Iniisa-isa ang bawat titik. Ang bawat salita. Gustong  ipahayag ang sarili. Ang nilalaman ng sarili.

Heto ako. Naghahanapbuhay. Wala pang sariling pamilya. Binata. Walang girlfriend. Kaka-break  lang last year. Anne, nasaan ka na? Huhu. Sana ako na lang ulit. Tsk. Parang linya ng isang pelikula.

Heto  ako malaya. Tila isang ibon sa himpapawid. Hindi naman sa nagagawa lahat ng gusto sa buhay. Medyo maluwag lang kumpara sa iba.

Heto ako. Nagbibilang ng bituin kapag madilim na ang gabi. Baliw. Parang si Count Von Count ng Sesame Street. Tsk. Joke lang. Kapag madilim na ang gabi, nakatingin sa kisame. Nagiisip. Nagtatanong. Paano nga ba matulog ang kuba? Natutulog ba ang isda? Ang manok ba umiihi? Bakit ang Penguin isang uri ng ibon? Totoo ba na ang kinakain ng ahas ay alikabok? :)

Nagtapos ako ng kursong Pilosopiya sa seminary. Dapat pari na. Nasa pulpito nagsesermon. Pero narito ako sa isang kompanyang hindi naman akma sa natapos ko. Narito ako't ordinaryong mamamayan lang. Salamat na rin kahit hindi nakapari. Pero alam kong marami pa rin ang umaasa sa akin sa bokasyong  iyon. Sorry mga kapatid. Mukhang may ibang plano ang maykapal sa mga katulad kong hindi banal. I am not worthy! You know. Akshily, ito ang buhay. This is life.  Ito ang langit sa mundong makasalanan. Mahirap sa totoo lang pero kinakaya. Kelangang kumayod para mabuhay.Isa akong Tech Support na malayo sa natapos. Liberal Arts Graduate tapos nasa Technical Support. Haha. Sobrang related, di ba? Pero pwede na rin kesa sa wala. Yung iba nga walang trabaho. Naghahanap pa. Naghahanap ng pagkakataong maisama ang sarili sa mga taong nagaambag ng buwis sa lipunan. Tapos nanakawin lang ng mga gahaman tulad nila Napoles. Tsk. Mga walang hiya. Yung iba naghahanap ng swerte.  Naghahanap ng kompanyang tatanggap sa kanilang kakayahan. Minsan iniisip ko na lumipat ng karera. Gusto ko sanang magturo pero limot ko na ang mga teknikal ng pilosopiya o kahit ibang subject. Marunong pa ba ako? Parang isang bakal na kinalawang sa tagal ng panahong hindi nagamit. Magaaral na naman ako kung magkaganun. Nakakatamad na.

Masaya na rin. Oo. Pero hindi sigurado, Bakit? Hindi ko alam.

Marami na akong librong nabasa. Marami  na akong pelikulang napanood.  Nangongolekta pa ako ng mga libro. May maliit na bookshelf sa kwarto. Masarap lang sa mata. Nakakatuwa lang tignan kapag nakakakita ng maraming  libro. Hindi ko alam kung kailangan. Marahil pang-display lang. Hindi ko rin alam kung nagagamit ko ba ito sa pangaraw-araw na buhay. Ang alam  ko lang may nasasatisfy sa akin. 

Bumili ako ng laptop na napakamahal. Mabigat sa bulsa pero may ngiti. Noon cellphone ang binili ko. Mahilig sa gadget. Hindi ko alam kung praktikal ba pero gusto kung gawin. Nung maiuwi ko ito, masaya ako dahil matagal na akong naghahangad nito. Mahirap kami noon kaya wala akong ganito. Ngayong may pagkakataon, sinusulit ko.

Nalilibang akong maglaro. Nalilibang akong maginternet. Nalilibang akong magsulat gamit ito. Nalilibang akong mag-download at manuod ng kahit na ano na walang sawa. Ano bang meron?  Pero hindi pa dito natatapos. Ngayon, naghahangad naman ako ng digital keyboard. Gusto kong tumugtog maliban sa gitara. Gusto ko rin ng DSLR camera. Gusto  kong  kumuha  ng mga  larawan ng kahit  ano. Gusto kong maging katulad nila na pumupunta kung saan-saan at pinipigilan ang magagandang momento sa pagkuha nito. Gusto ko rin ng painting materials. Mahal ito pero gusto ko ring gumuhit maliban sa pagsusulat. Marami akong gusto. Sana mayaman na lang ako. Ang dami kong hilig na gusto kong masunod. Masaya naman pero napapatanong.

Minsan. Minsan. Masaya nga ba? Tanong sa sarili.

Sabado, Marso 1, 2014

Pagsiwalat ng Pagpapakawala Part II

Hindi matapos-tapos. Hindi mawala-wala. Hindi madali. Sa isang salita, MAHIRAP.

Narito na po tayo sa ikalawang kabanata ng aking programa. Hehe. Ang Pagsiwalat ng Pagpapakawala Part II, aksyon!

Siguro nga ay isa sa pinakamahirap na gawin pagkatapos ng break-up ay ang mag-move on. Ang tanggapin na sa kabila ng pinagsamahan ninyong dalawa na halos magkapalit na kayo ng mukha sa araw-araw na ginawa ng Diyos, ito ay wala na. Yung tipong masaya ka sa tuwing hawak mo ang kanyang kamay. Sa tuwing hinahaplos mo ang mahaba niyang buhok. Sa tuwing yakap mo siya at ramdam mo ang init ng kaniyang mga yakap. O di kaya'y kasama mo siyang naglalakad sa ilalim ng buwan, sa dalampasigan, sa isang hardin ng mga bulaklak, lumilipad sa alapaap hanggang sa ikapitong langit, hinihele ka ng kaniyang boses na kay lamig na parang isang musika. Isang anghel na tumutugtog ng alpa. Tumatalon ka sa tuwa at ang iyong ngiti ay abot-langit sa tuwing magsasabi siya ng mahiwagang salitang "I LOVE YOU". Masaya. Oo. Pero ang lahat ng ito ay nawala ng parang bola. Tila isang panaginip. Tila isang huling hininga na nagsabing "Wala na." Woooooosssshh. Ssssh.  (Nilipad ng hangin) Tahimik na nagpaalam pero katumbas nito ang isang daang bomba sa loob mo na sabay-sabay sumabog. Boom! Dumanak ang dugo kahit wala.

Sa tuwing makikita mo ang mga lugar na pinuntahan ninyo o kahit mapadaan lang habang nakasakay sa jeep o sa tricycle o sa bus. Pwedeng MRT, LRT kung meron. O simpleng naglalakad lang. Sa tuwing maririnig mo ang inyong theme song na "Isang Linggong Pagibig" o di kaya'y "Maging Sino Ka Man" na pinapatugtog sa radyo ay hindi mo mapigilan ang mapaluha sa sakit na iyong nararamdaman. Mapapangiti ka pero biglang babawi ang lungkot. Ouch! I can't take it, my love. Uhuhuhuhu...

Wala na rin ang inyong communication. Texting, Chatting, Calling, Facebooking, Twittering. Wechatting, Vibering, Kakaotalking (hahaha). Yung dati ninyong ginagawa ay wala na. As in wala pero meron meron meron. Meron ka pa ring mobile number niya sa iyong phonebook. Pinakatatago mo at ayaw mong burahin. Friend mo pa rin siya sa FB at sinisilip mo pa rin ang Facebook Wall niya. Pero sa gawaing ito, ikaw ang nasasaktan. O di kaya'y hindi mo na siya friend sa FB kasi in-unfriend ka na o kaya binlock ka na. Nag-kusa na siyang burahin ang lahat. Tsk. Napakasakit talaga Kuya Eddie.

Lagi kang nakatingin sa malayo tila hinihintay mo pa rin ang kaniyang pagbabalik. Umaasa. Umaasa. Naniniwala ka na mahal ka pa rin niya kahit sinabi na niya sayong hindi na. HINDI NA KITA MAHAL. Naka-all caps ang pagkasabi niya. Pero hindi mo pinapansin. Naniniwala ka pa rin na may darating pa ring umaga pagkatapos ng dilim. Liwanag sa diliiim. Woh oh wooh. Hindi pa rin siya mawala sa isip mo na kahit saan ka tumingin ay siya pa rin ang nakikita mo. (Naghahalucinate ka) Tsk. Mahirap yan.

Sa totoo lang mahirap talaga. Para kang mababaliw na hindi mo alam. Siguro dahil hindi ka handa sa pangyayaring ito. Sabi ni April Boy Regino, Di ko kayang tanggapin na mawawala ka na sa akin, napakasakit na marinig na ayaw mo na sa akin. Hapdi at kirot. Hanggang dun lang. Hehe. O kung handa ka man, hindi mo akalain na ganito ang pakiramdam. Marahil ay first time mong maranasan ito o kung hindi man, naranasan mo na ito dati pero hindi ganito kagrabe. Kung mayroon mang dapat gawin, ito ay ang buong pusong tanggapin ang lahat-lahat. Paano? Hindi ko rin alam. Haha. Ang laki ng naitulong ko, di ba? Sobra.

Marahil ang susi ay nasa atin din. Kailangan lang nating hanapin. Nariyan lang yan.  Kung hindi ka pa handang makipag-date sa iba, keep yourself busy. Nariyan ang iyong mga friends. Makisama. Mag-enjoy ka. Ngayon. Sumayaw-sumunod, sabi ng Boyfriends. Kung ayaw mo man ng friends, nariyan ang iyong family. Pero wag kalimutan ang magdasal. Dasal-dasal din pag may time. Seek counsel to our Lord. Pray! Unti-unti mare-realize mo na hindi mo pasan ang daigdig tulad ni Sharon Cuneta. Marami dyang iba. Maghintay ka lang. :)