Don't lose the muse. Hindi ko alam kung magugustuhan ninyo. Ang gusto ko lang magpahayag.
Heto ako. Hindi isang tanong, hindi isang sagot. Aaaaksyon!!! (Smile)
Katatapos ko lang manood ng pelikula at ang mga mata ko ay tila pagod na at kailangan ng mamahinga sumandali. Oras na para kumain ng hapunan pero ang nagugutom sa akin ay ang aking isip. Napapaisip. Nagtatanong. Nasiyahan ako sa aking napanood. Nalibang. Naaliw. Namangha. Pero ganun lang ba yun? Pagkatapos ng ilang oras, napangiti pero napapatanong. Naghahanap ng sagot. Tila ako'y gutom at uhaw sa mga sagot na hindi ko alam kung nakukuha ko sa araw araw. Marahil ay mayroon naman kahit paano. Pero sapat na ba ito para maging masaya? Teka, bakit kailangang maging masaya? Sino nga ba ang gustong maging malungkot? Lahat yata ngayon, gusto laging nasa gimikan. Nasa pasyalan. Kumakain sa labas. Nanonood ng sine. Nagsho-shopping tuwing sahod. Window shopping kapag hindi sahod. Hahaha. Inuman dito. Inuman doon. Suka dito. Suka doon. Eeeeewww. Mukhang ako ito ah. Hehe.
Hindi lang sanay uminom. Nakikisama lang at kinakaya kahit nagiging mukhang lechon sa kulay pulang kutis kapag nakaka-inom ng alak. Tsk. Nagiging Hellboy.
Ilang taon na akong nabubuhay sa mundo. Bata pa naman. Dalawampu't pito. Tsk. Ano ng mga nagawa ko? Successful na ba? Ilang beses na ba akong humagalpak sa tuwa at sumakit ang tiyan sa kakatawa? Ilang beses na ba akong nalungkot at naiyak? Nasaan na ba ako ngayon? Kuntento na ba? Lalagay na ba sa tahimik? Daming tanong. Langya. (Inis sa sarili)
Heto ako. Tulala sa isang tabi at hindi mapakali. Ating nakaraan minumuni muni. Teka kanta to ah. Haha. Seryoso.
Heto ako nagsusulat. Nakaharap sa kompyuter. Iniisa-isa ang bawat titik. Ang bawat salita. Gustong ipahayag ang sarili. Ang nilalaman ng sarili.
Heto ako. Naghahanapbuhay. Wala pang sariling pamilya. Binata. Walang girlfriend. Kaka-break lang last year.
Anne, nasaan ka na? Huhu. Sana ako na lang ulit. Tsk. Parang linya ng isang pelikula.
Heto ako malaya. Tila isang ibon sa himpapawid. Hindi naman sa nagagawa lahat ng gusto sa buhay. Medyo maluwag lang kumpara sa iba.
Heto ako. Nagbibilang ng bituin kapag madilim na ang gabi. Baliw. Parang si
Count Von Count ng Sesame Street. Tsk. Joke lang. Kapag madilim na ang gabi, nakatingin sa kisame. Nagiisip. Nagtatanong.
Paano nga ba matulog ang kuba? Natutulog ba ang isda? Ang manok ba umiihi? Bakit ang Penguin isang uri ng ibon? Totoo ba na ang kinakain ng ahas ay alikabok? :)
Nagtapos ako ng kursong Pilosopiya sa seminary. Dapat pari na. Nasa pulpito nagsesermon. Pero narito ako sa isang kompanyang hindi naman akma sa natapos ko. Narito ako't ordinaryong mamamayan lang. Salamat na rin kahit hindi nakapari. Pero alam kong marami pa rin ang umaasa sa akin sa bokasyong iyon. Sorry mga kapatid. Mukhang may ibang plano ang maykapal sa mga katulad kong hindi banal.
I am not worthy! You know. Akshily, ito ang buhay. This is life. Ito ang langit sa mundong makasalanan. Mahirap sa totoo lang pero kinakaya. Kelangang kumayod para mabuhay.Isa akong Tech Support na malayo sa natapos. Liberal Arts Graduate tapos nasa Technical Support. Haha. Sobrang related, di ba? Pero pwede na rin kesa sa wala. Yung iba nga walang trabaho. Naghahanap pa. Naghahanap ng pagkakataong maisama ang sarili sa mga taong nagaambag ng buwis sa lipunan.
Tapos nanakawin lang ng mga gahaman tulad nila Napoles. Tsk. Mga walang hiya. Yung iba naghahanap ng swerte. Naghahanap ng kompanyang tatanggap sa kanilang kakayahan. Minsan iniisip ko na lumipat ng karera. Gusto ko sanang magturo pero limot ko na ang mga teknikal ng pilosopiya o kahit ibang subject. Marunong pa ba ako? Parang isang bakal na kinalawang sa tagal ng panahong hindi nagamit. Magaaral na naman ako kung magkaganun. Nakakatamad na.
Masaya na rin. Oo. Pero hindi sigurado, Bakit? Hindi ko alam.
Marami na akong librong nabasa. Marami na akong pelikulang napanood. Nangongolekta pa ako ng mga libro. May maliit na bookshelf sa kwarto. Masarap lang sa mata. Nakakatuwa lang tignan kapag nakakakita ng maraming libro. Hindi ko alam kung kailangan. Marahil pang-display lang. Hindi ko rin alam kung nagagamit ko ba ito sa pangaraw-araw na buhay. Ang alam ko lang may nasasatisfy sa akin.
Bumili ako ng laptop na napakamahal. Mabigat sa bulsa pero may ngiti. Noon cellphone ang binili ko. Mahilig sa gadget. Hindi ko alam kung praktikal ba pero gusto kung gawin. Nung maiuwi ko ito, masaya ako dahil matagal na akong naghahangad nito. Mahirap kami noon kaya wala akong ganito. Ngayong may pagkakataon, sinusulit ko.
Nalilibang akong maglaro. Nalilibang akong maginternet. Nalilibang akong magsulat gamit ito. Nalilibang akong mag-download at manuod ng kahit na ano na walang sawa. Ano bang meron? Pero hindi pa dito natatapos. Ngayon, naghahangad naman ako ng digital keyboard. Gusto kong tumugtog maliban sa gitara. Gusto ko rin ng DSLR camera. Gusto kong kumuha ng mga larawan ng kahit ano. Gusto kong maging katulad nila na pumupunta kung saan-saan at pinipigilan ang magagandang momento sa pagkuha nito. Gusto ko rin ng painting materials. Mahal ito pero gusto ko ring gumuhit maliban sa pagsusulat. Marami akong gusto. Sana mayaman na lang ako. Ang dami kong hilig na gusto kong masunod. Masaya naman pero napapatanong.
Minsan. Minsan. Masaya nga ba? Tanong sa sarili.